Inakalang 'chop-chop victim,' Halloween props pala, nirespondehan ng pulisya

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 03:20 PM

Props lang pala para sa isang Halloween party ang ilang bahagi ng katawan ng taong natagpuan sa may Pasig City. Kuha ni Iric Balog

Nirespondehan ng Pasig police ang ulat na may natagpuan umanong chop-chop victim sa lungsod, na natuklasang props lang pala para sa isang Halloween party para sa labas ng bahay.

Nakatanggap umano ang Pasig City Police Station ng tawag na may mga bahagi ng katawan ng tao na nahanap sa Ilang-Ilang Street sa Barangay Santa Lucia.

Nang makarating ang mga awtoridad, natuklasan nilang props lang ang mga bahagi ng katawan para sa isang Halloween party.

Ayon kay Iric Balog, kagawad sa barangay, siya ang gumawa ng props pero hindi agad naitago ang mga ito dahil kumain muna sila.

Nagmula sa binti ng mannequin ang hating katawan, na sinuotan ng maong at rubber shoes, at nilagyan ng dugo.

Humingi ng dispensa si Balog sa pulisya.

Ipinost din ni Balog noong Sabado ang pangyayari sa kaniyang Facebook account at umani ito ng libo-libong reaksiyon. -- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.