2 patay sa pag-araro ng shuttle bus sa tricycle sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 04:56 PM | Updated as of Oct 28 2019 05:23 PM

Dalawang tao, kabilang ang isang bata, ang namatay noong gabi ng Linggo matapos araruhin ang isang tricycle ng isang shuttle bus na hinahabol ng mga pulis sa Carmona, Cavite.

Kabilang sa mga nasawi ang isang babaeng pasahero ng shuttle bus at isang 12 taong gulang na babae na sakay ng tricycle.

Hinabol ng mga awtoridad ang shuttle bus matapos nitong masagasaan ang isang babaeng tumatawid sa Governor's Drive, na nasugatan.

Nang malapit nang abutan ng mga pulis ang bus, tumalon ang driver nito at iniwang tumatakbo ang bus, na may mga sakay na pasaherong factory workers.

Sa takot, tumalon din ang isang babaeng pasahero at nabagok ang ulo sa kalsada, na kaniyang ikinamatay.

Nagtuloy-tuloy sa pagtakbo ang bus hanggang bumangga sa isang nakahintong tricycle na may sakay na mag-ama.

Nasugatan naman ang ama ng nasawing bata.

Naglunsad na ng manhunt operation ang Carmona police laban sa driver ng shuttle bus na nakilalang si Eutiquio Oliveroz. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.