2 ospital iniimbestigahan kaugnay ng pagkamatay ng buntis, dinadalang sanggol

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2019 07:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaiimbestigahan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang reklamong kapabayaan umano ng 2 ospital sa lungsod matapos mamatay ang isang buntis at dinadala nitong sanggol.

Ipinatawag ngayong Lunes ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga direktor ng Ospital ng Sta. Ana at Ospital ng Sampaloc para magpaliwanag kasunod ng viral post sa social media ni Rebecca Morga.

Namatay ang kapatid ni Rebecca na si Myra Morga, 23, at ang dinadala nitong sanggol na lalaki sa Ospital ng Santa Ana.

"Pagdating namin sa Sampaloc, nakita ko 'yong kapatid ko, nakasakay sa wheelchair, nananakit na 'yong tiyan," ani Rebecca.

"Patay na daw po 'yong puso ng baby, edi ibig sabihin patay na 'yong bata sa loob ng tiyan, bakit kailangan pa nilang itakbo sa Sta. Ana?" dagdag niya.

Sa kuha ng CCTV ng barangay malapit sa Ospital ng Sampaloc, kitang bumaba ng ambulansiya at naglakad si Myra kasama ang kaniyang kinakasamang si Danilo Publico at si Rebecca.

Sa halip na mismong harap ng ospital o sa emergency room sila ibaba, pinaglakad pa raw sila.

"Binaba kami kung saan malayo-layo pa po," ani Rebecca.

"Pagdating sa ospital... doon bumagsak si Myra," aniya.

Nagpaliwanag naman ang medical director ng Ospital ng Sampaloc.

"Ang kondisyon ni Myra ay hindi simpleng pagbubuntis na manganganak lamang dahil nakita na walang heart doon sa ultrasound at hindi alam kung kailan pa hindi na gumagalaw ang bata," ani Dr. Aileen Lacsamana.

Sa medical certificate ni Myra, intrauterine fetal demise at chronic hypertension ang sinasabing kaniyang ikinamatay.

Katarungan naman ang hiling ng mga kaanak ni Myra.

"Napabayaan nila. Kahit saan ninyo tingnan na anggulo, napabayaan nila 'yong kapatid ko," ani Rebecca.

"Sana lahat ng pasyente asikasuhin niyo, huwag niyong pabayaan," ani Publico.

Tiniyak naman ng alkalde na magiging patas ang imbestigasyon.

"I have to look into the protocol," ani Moreno.

Nanawagan din ang alkalde sa iba pang mga buntis sa Maynila na samantalahin ang libreng pagpapakonsulta sa mga health center at ospital ng pamahalaan. -- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.