#Undas2018: Mga naunang dumadalaw sa sementeryo, dagsa na

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2018 04:20 PM | Updated as of Oct 28 2018 06:54 PM

Watch more in iWantTFC

Bagama't ilang araw pa bago ang pag-alala sa Undas, nagsimula nang dumagsa nitong Linggo ang mga bisita sa mga sementeryo upang pansamantalang makapiling ang mga yumaong mahal sa buhay.

Ala-1 ng hapon nitong Linggo ay nasa 2,000 tao na ang crowd estimate ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4 sa Holy Cross Cemetery. 

Ayon kay PO2 Noel Corpuz, ayaw na umanong makipagsabayan sa buhos ng tao sa Undas ang karamihan sa mga dumalaw nitong Linggo. 

Inaasahang dodoble pa ang dami ng tao bago magsara ang sementeryo ng alas-6 ng gabi.

Papayagan namang manatili sa sementeryo ang mga lumuwas galing probinsiya hanggang alas-9 ng gabi. Pero mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, 24 oras nang bubuksan ang sementeryo sa publiko. 

Mabigat na rin ang daloy ng trapiko sa nasabing semeteryo, dahil papunta ito sa katabing Bagbag Public Cemetery.

Sa Maynila, nakalatag na rin ang seguridad sa Manila North Cemetery, kung saan nasa 9,000 ang crowd estimate ngayong araw. 

Umabot ng lagpas isang milyon ang mga bumisita sa semeteryo kaya ganoon rin ang inaasahan ng mga pamunuan at mga pulis. 

Patuloy rin ang mga inspeksiyon sa mga train at bus terminals sa Metro Manila para sa mga luluwas sa kanilang mga probinsiya. 

Umabot naman sa halos 16,000 ang mga pasahero sa Batangas Port simula madaling araw ng Sabado. Nais umiwas sa siksikan at mahabang pila ang karamihan ng dumagsa sa port. 

Kakaunti pa lamang ang mga pasahero sa Araneta Center Bus Terminal sa Cubao, Quezon City, at inaasahang dadami ang mga biyahero pagdating ng gabi ng Oktubre 30. 

NCRPO, MAY PAALALA

Umapela naman sa publiko ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na maging mapagmatiyag sa kanilang kaligtasan sa darating na Undas. 

Ani NCRPO chief Police Director Guillermo Eleazar, hinihikayat nilang makipag-ugnayan ang publiko sa mga pulis kapag may namataang kahina-hinalang mga tao o bagay sa lugar. 

Bagaman walang banta sa seguridad o pahiwatig ng terorismo, hindi aniya sila magiging kampante.

"Alam mo meron talagang ibang grupo, ibang indibidwal na talagang gagawin lang nila ngayon mag-abang ng mga puwedeng mapagsamantalahan," ani Eleazar. 

Pinaalalahanan rin ang publiko na huwag mag-post ng kanilang kinaroroonan sa social media para makaiwas sa panganib. 

Hinikayat din ni Eleazar na isumbong ang mga pulis na nagte-text habang naka-duty sa semeteryo. 

Watch more in iWantTFC

'WASTE-FREE UNDAS'

Nanawagan naman ang environment group na Ecowaste Coalition sa publiko na bawasan ang paggamit ng mga lalagyanang may plastik para iwas-kalat sa mga semeteryo.

Narito ang ilang panukala ng grupo para makasiguradong "waste free" sa mga sementeryo: 

  • Magdala ng sariling lutong pagkain imbes na bumili sa mga restoran na gumagamit ng disposable na lalagyan
  • Huwag gumamit ng higit pa sa dalawang kandila para mabawasan ang polusyon
  • Gumamit ng mga sariwang bulaklak. Iwasang bumili ng mga bulaklak na nakabalot sa mga plastik
  • Magdala ng sariling lalagyanan ng tubig at gumamit ng mga reusable na pagkakainan tulad ng mga baso, plato.

-- Ulat nina Kevin Manalo, Apples Jalandoni, Arra Perez, at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.