Lalaking nagtangkang lumangoy mula Cebu hanggang Bohol, nailigtas

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2018 10:12 PM

TALISAY CITY - Isang 47 taong gulang na lalaki ang nagtangkang lumangoy mula Cebu para makarating sa Bohol para sa Undas.

Linggo ng umaga nang matagpuan ng Bantay Dagat Team ng Talisay City ang isang lalaking nagpapalutang-lutang sa dagat.

Ayon sa lalaking nagpakilala na si Ceferino Angco, siyam na oras na siyang lumalangoy nang mapansin ng Bantay Dagat.

Ayon sa team leader ng Bantay Dagat, nadatnan nalang nila na nanginginig at nanghihina na si Angco na tanging kinakapitan nalang ang isang piraso ng styrofoam.

Taong 2011 nang makarating siya ng Cebu para maghanap ng mapagkakakitaan kasama ang kaniyang pinsan. Pero hindi siya pinalad at napilitan na lang na mamasura.

Sabi ni Angco, hindi niya maatim na gumawa ng masama para lang magkapera kaya minabuti na lang niyang lumangoy sa dagat.

Gusto sana niyang makapagsindi ng kandila sa sementeryo ng Carmen, Bohol bilang pag-alala sa mga yumao niyang magulang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.