'Bawal mag-party': 'Tahimik, madilim' na Boracay sa gabi, daing ng mga turista

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2018 07:03 PM

Watch more in iWantTFC

Simula nang buksan muli ang Boracay nitong linggo ay ipinagbawal na ang pagdaraos ng mga party sa isla, kaya naman kapansin-pansin ang tahimik at madilim na beachfront tuwing gabi. 

Magugunitang ipinagbawal ni Tourism secretary Bernadette Romulo-Puyat ang pagkakaroon ng party at iba pang pakulo tulad ng fire dance sa beachfront.

Bagama't tahimik na sa isla, takot naman mamasyal at mag-night swimming ang ilang turista sa dilim ng paligid sa baybayin.

Sa katunayan, ang ilang naglalakad sa beach ay gumagamit ng flashlight ng cellphone habang naglalakad sa baybayin. 

"Malungkot lang siya sa gabi dahil madilim," ani Grace Jurok. 

"Baka may lumapit...May mambastos, may mangholdap," ayon naman sa turistang si Chris Puno. 

Ayon naman sa mga awtoridad, may ilan nang nabiktima ng mga krimen, tulad ng dalawang Italyano na nasalisihan sa unang araw ng pagbubukas ng isla noong Biyernes. 

Ayon sa Metro Boracay Police Task Force, mula sa 147 pulis, nasa mahigit 400 na ang idineploy nila sa isla. 

Payo ng mga pulis sa mga turista na ingatan ang kanilang mga gamit. 

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.