3 timbog, 1 sugatan sa magkahiwalay na drug ops sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2018 06:35 PM | Updated as of Sep 30 2019 02:25 PM

Watch more in iWantTFC

Arestado ang tatlo umanong drug user matapos maaktuhang gumagamit ng ilegal na droga sa loob ng bahay sa isang subdivision sa Bacoor, Cavite.

Sa hudyat ng police asset, sinalakay ng mga pulis ang isang bahay sa Bgy. Molino 2 pasado hatinggabi ng Sabado.

Pinadapa ang tatlong tao kabilang ang isang babae na naaktuhan umanong gumagamit ng droga.

Nagkalat pa sa sahig ang ilang sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Aminado ang may-ari ng bahay na si Gerardo Belino na ginagawa niyang "puwestuhan" ang kaniyang bahay.

"Magbibigay sila ng porsiyento sa akin, tapos libreng paggamit kaya napilitan akong magpapuwesto sa bahay ko," ani Belino.

Kinanta rin ng mga suspek ang iba pang kilala nilang nagbebenta ng droga sa Bacoor.

Sa hiwalay namang operasyon, sugatan ang isang lalaki matapos makipagbarilan sa mga pulis.

Imbes kasi na sumuko, nakipagbarilan pa ang target ng operasyon na si alyas "Kris" sa mga pulis kaya natamaan sa kaliwang hita.

"Nahawakan niya ang baril niya at nagpaputok. Buti hindi natamaan ang pulis natin," ani Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police. 

Ayon sa pulisya, dati nang nakulong ang suspek dahil din sa droga.

"Karamihan sa mga nag-plea bargain bumabalik sa dating gawain," hinaing ni Senior Supt. William Segun, director ng Cavite Provincial Police.

Nagpapagaling pa sa ospital si Kris na nakuhanan ng droga na aabot sa P150,000 ang halaga.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.