2 'tulak' na tumakas sa pulis, nabangga ng jeep sa QC

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2018 03:22 PM

Arestado ang dalawang umano'y tulak ng droga nang subukang tumakas sa ikinasang buy-bust operation laban sa kanila sa Cubao, Quezon City nitong madaling araw ng Linggo. 

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) station 7, gamit ang sinasakyang AUV ay sinubukang tumakas ng mga suspek nang makatunog ngunit nahabol rin sila matapos mabangga ng jeep. 

Kinilala ang mga suspek na sina Roderick Caliva at si Edgar Saballero.

Paliwanag ni Caliva, nawalan siya ng trabaho kaya nagtutulak na lang siya ng droga. 

"Nawalan kasi ako ng work. 'Yung kapatid ko na nagsabing tutulungan ako, di ako tinulungan," aniya. 

Ayon naman kay Saballero, hindi niya alam na makikipagtransaksiyon sa droga si Caliva. 

Nakuha sa loob ng AUV ang 23 sachet ng hinihinalang shabu. 

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang dalawa, kabilang ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. -- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.