Truck ng saging tumagilid sa EDSA-Kamuning

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 11:59 AM

Tumagilid ang isang truck ng saging sa EDSA-Kamuning Sabado ng umaga. Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Nagkalat ang saging sa panulukan ng EDSA at Kamuning Road sa Quezon City matapos tumagilid ang may karga ditong 6-wheeler truck na nawalan ng preno, Sabado ng umaga.

Ayon sa driver na si Allan Desundario, minamaneho niya ang truck mula sa Kamuning palabas ng EDSA patungo sa Nepa Q-Mart upang mag-deliver ng saging. 

Habang papalapit sa kanto ng EDSA, naramdaman niya na hindi na kumakagat ang preno kaya ikinabig na lamang ang truck pakanan at ibinangga sa isang pader.

Ayon kay Desundario, mas mainam na umano ito kaysa araruhin niya ang mga sasakyang nasa harapan. 

Walang nasaktan sa insidente.

Agad na inilipat sa ibang truck ang mga kargang saging habang agad din isinaayos ang tumagilid na truck ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.