SOCO: Inakusahang mangkukulam at anak nito patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 02:59 PM | Updated as of Oct 28 2017 03:19 PM

 

Patay ang mag-ina matapos pagbabarilin sa Barangay Bedania sa Mangatarem, Pangasinan noong Hulyo 3, 2016. 

Idineklarang dead on arrival nang dalhin sa ospital ang mga biktima na sina Violeta Linda, 57, at anak nitong si Alberto. 
 
“Nakabulagta na po ‘yung nanay ko na duguan, saka ‘yung kapatid ko po,” kuwento ni Teresita Lopez, anak ni Violeta. 
 
Bago nangyari ang krimen, namatay ang ilang residente dahil sa hindi maipaliwanag na sakit kaya naibaling ang sisi at pinagbintangang mangkukulam si Violeta. 
 
“Kasi may namatay dito, sinabing kinulam. ‘Yung asawa niya, ‘yung nanay ko po ‘yung pinagbibintangan niya. Kasi nga po no’ng nagpa-albularyo sila, parang kahawig ng nanay ko,” ani Teresita. 
 
“Kasi mapayat ‘yung nanay ko. Sa tawas sa kandila daw, parang tumutugma sa nanay ko.” 
 
Ayon sa kapitan ng barangay, marami sa mga nagkakasakit, simple man o malubha, ang sumasangguni sa albularyo at naniniwala na nakulam sila. 
 
“Kasi kung minsan, talagang medyo hirap sa buhay, wala na pong pang-doktor, nagpupunta po [ang mga tao] sa albularyo,” kuwento ni Brgy. Captain Angelo Catubig. 
 
Dagdag naman ni Teresita, ang pag-inom ng alak ng kaniyang ina ang nakikita niyang dahilan kung bakit napasama ang reputasyon nito. 
 
“Kung minsan po, kapag namasyal po ako sa bahay nila, nadadatnan ko na po siyang umiinom.” 
 
Gayunman, hindi na pinansin ng pamilya Linda ang naturang paratang sa kabila ng pagkalat nito. 
 
“Hindi naman po ako naniniwala sa kulam. Saka ‘yung nanay ko, halos araw-araw pong nakatagay ‘yun,” pahayag ni Teresita. 
 
Sino nga ba ang salarin at ano ang motibo sa krimeng ito? Sundan ang buong kuwento sa 'SOCO: Scene of the Crime Operatives' ngayong Sabado, 4 p.m. sa ABS-CBN. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.