Pahirapang pagkuha ng refund sa nagsarang resort, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 09:12 PM

Dismayado ang magkasintahan matapos muntik mapurnada ang kanilang honeymoon nang magsara ang resort na dapat pupuntahan nila.

Ang downpayment nilang P24,000, pahirapan pa umano bago mabawi.

Paliwanag ni Drei Arzadon, maaga silang naghanap ng resort para sa kanilang honeymoon bagaman sa susunod na taon pa ang kanilang kasal.

Agad niyang nakita ang Buri Resort and Spa sa Puerto Galera, Oriental Mindoro at nakumbinsi siya sa review kaya nag-deposit agad ng P24,000. 

Nakausap ni Arzadon ang Aura Hotel and Resorts at maayos naman nai-reserve ang Buri Resorts. 

Pero sinabihan sila noong Agosto ng taga-Aura Hotel na nagsara na ang Buri Resorts.

Sinabi rin aniya sa kanila na hindi ang Aura ang magbabalik ng kanilang perang idineposito kundi ang Buri Resorts na.

Lumipas pa ang ilang linggo at maraming follow-up ngunit bigo pa rin ang magkasintahan sa pagbawi ng kanilang pera.

Noong Oktubre 24, nai-refund na sa wakas ang kanilang deposito. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.