Lalaking nahagip ng van patay nang masagasaan pa ng motorsiklo

Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 10:11 AM

DAVAO CITY – Hindi na umabot pang buhay sa Southern Philippines Medical Center ang isang 63-anyos na lalaki matapos mahagip ng van at masagasaan pa ng motorsiklo, Sabado ng umaga dito.

Nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan ang biktimang si Tamerlane Aldevera nang mahagip ng van habang papatawid sa MacArthur Highway.

Ayon sa driver ng van na si Jundel Cullamat, iniwasan pa umano niya si Aldevera pero natamaan pa rin ito ng kaniyang side mirror.

Habang tinutulungan niya ang biktima na nakahiga sa kalsada, bigla naman umanong dumating ang isang motorsiklong mabilis ang takbo at nasagasaan ang biktima. 

Inaalam na ngayon ang pagkakakilanlan ng driver ng motorsiklo sa pamamagitan ng CCTV na malapit sa lugar.

Nakakulong naman sa Talomo police station si Cullamat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.