Kongresista, itinalaga bilang tagapagsalita ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 07:50 PM

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Kabayan Partylist Representative Harry Roque bilang bago niyang tagapagsalita, kapalit ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

Inanunsyo ito ng pangulo sa mismong kaarawan ng kongresista Biyernes ng gabi sa Davao City.

Sinabi ni Roque na hindi siya tatanggi sa alok na posisyon ni Duterte.

"Ako naman po ay tinanggap ko iyan. Pero ako po ay manunungkulan pagka-landing po namin sa Japan dahil kasama po ako sa delegasyon ni Presidente," saad ni Roque.

Dagdag niya, hindi niya kukunsintihin ang madugong war on illegal drugs ng administrasyon at patuloy aniyang ipaglalaban ang karapatang pantao ng mga Pilipino.

Pormal na uupo bilang presidential spokesman si Roque sa Nobyembre 6.

Bago sumabak sa politika noong 2016, nakilala si Roque bilang human rights lawyer at propesor sa University of the Philippines, College of Law. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.