4 na Chinese, arestado sa umano’y ilegal na pagmimina sa Camarines Norte

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 09:38 PM

Arestado ang apat na Chinese nationals sa kaso umano ng ilegal na pagmimina sa bayan ng Paracale, Camarines Norte Biyernes.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Han Bing, Zhang Ming, Wang Han-Qing at Sun Yu.

"Ang pakilala nila tourists pero sila ang operators ng minahan, ni wala silang ipinakitang passport, kahit anong document," ani Attorney Marvin Matamis ng National Bureau of Investigation.

Pero hindi lang kaso ng ilegal na pagmimina ang hinaharap ng mga dayuhang Tsino, kundi pati paggamit umano ng mga ilegal na pampasabog.

Mahigit 100 dinamita at kagamitan sa paggawa nito ang nakuha sa isang kwarto sa gusali.

Pag-aari ng Golden River Mining Corp. ang minahan na nakabinbin ang permiso sa Mines and Geosciences Bureau.

Pero hindi umano tauhan ng kumpanya ang apat na tumanggi nang magbigay ng kanilang panig.

Isinara na ang minahan at nasa kustodiya na ito ni punong barangay Rodolfo Laguador.

Nakatakdang i-turn over ang mga dayuhan sa Bureau of Immigration.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.