2 sangkot umano sa akyat-bahay, patay nang 'tumakas' sa Oplan Sita

ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 09:21 PM

Patay ang dalawang sangkot sa akyat-bahay matapos tumakas at manlaban umano sa mga pulis nang harangin sa Oplan Sita sa Imus, Cavite Sabado ng madaling araw. 

Dead on the spot ang kinilalang sina Vicente Santos at Gerald Ronda matapos magtamo ng hindi bababa sa tig-3 tama ng bala. 

Nagsasagawa ang pulisya ng "Oplan Sita" nang parahin nila ang motorsiklo na sakay ang dalawang lalaki.

Lalo umanong binilisan ng dalawa ang takbo imbes na huminto, at lumiko pa hanggang umabot sa dead end ng isang kalsada. 

"They tried to escape and then nagpaputok sila towards our personnel so nagkaroon nga ng habulan," ayon kay Supt. Norman Rañon. 

Nakuha sa dalawang lalaki ang dalawang kalibre-.38 na baril, isang bolt cutter at improvised pick lock na ginagamit umanong pambukas sa mga kandado.

"Sa mga nakuha naming gamit doon na dala-dala nila, ayun iyong mga gamit para sa akyat-bahay," ani PS/Insp. Christopher Geronimo.

Pareho umano silang akyat-bahay na dati nang nasangkot sa mga insidente ng nakawan sa Bacoor at Dasmariñas, Cavite.

Samantala, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.