1 patay, 2 sugatan sa aksidente sa Payatas

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 03:36 PM | Updated as of Oct 28 2017 04:49 PM

MANILA - Isa ang nasawi habang dalawa naman ang nasugatan nang sumalpok ang isang dump truck sa nakaparadang truck sa Payatas Road, Quezon City, Sabado ng madaling araw.

Nakuhanan pa ng CCTV ang pahinanteng naglalakad papunta sa nakaparadang truck pasado ala-1 ng madaling araw.

Pero bago pa man makasampa, dumating ang isang rumaragasang 14-wheeler dump truck sa pababang kurbada ng daan at sinalpok ang nakaparadang truck

Masuwerteng bukol lang ang inabot ng pahinante pero ang driver ng bumanggang truck na si Cielito Halili, mangiyak-ngiyak sa sakit matapos maipit ng dalawang sasakyan. 

Inabot nang mahigit isang oras bago nadala ang noo'y wala nang malay na si Halili sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.

“Bigla na lang lumusot 'yung truck na 'yun na napakabilis. Parang wala na sa control. Binangga na 'yung truck namin,” sabi ni Cris Dayrit, driver ng nakaparadang truck.

Ang dalawang pahinante ni Halili ay isinugod naman sa East Avenue Medical Center. 

“'Yung isang pahinante, nakaupo na dito sa harapan ng truck, duguan na siya. Tapos 'yung isang pahinante na hindi masyadong napuruhan, tinutulungan niya siya. Kasi pababa itong road na ito. Marami talagang accident 'pag ganun,” sabi ni Edna Elento ng Public Safety Office ng Barangay Commonwealth.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Traffic Sector 5, nawalan ng preno ang dump truck na may kargang buhangin. 

Sinubukan itong hatakin ng isa pang dump truck at gamitan ng backhoe, pero hindi man lang gumalaw sa pagkakahilig. 

Binawasan muna ang buhangin na karga nito bago hinatak muli. 

Paalala naman ng barangay sa mga nagmamaneho ng sasakyan, lalo na ang mga dumaraan sa pakurbadang kalye, tiyaking hindi overloaded kung may karga at maayos ang kondisyon ng kanilang sasakyan bago bumiyahe. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.