MAYNILA (UPDATE) — Magluluwag ng patakaran ang Metropolitan Manila Development Authority sa mga street at sidewalk vendor ngayong Kapaskuhan.
Iniutos ni MMDA Chairman Benhur Abalos na huwag kumpiskahin ang mga paninda ng mga vendor na ilegal na magbebenta sa mga kalsada ngayong Pasko.
Paliwanag niya na ito ay para makabangon ang mga vendor na umaaray dahil sa pandemya.
"Hangga't maaari ang mga vendors, please lang ayusin natin ang kalye, magtinda tayo sa tamang lugar. Maski 1st offense 'wag na muna nating kumpiskahin kasi nauunawaan ko eh. Mahirap ang buhay eh. Galing tayo sa isang pandemyang napakabigat… Talagang halos 'yung ipon mo naubos eh di ba?" ani Abalos.
Sa isang resolusyon na inilabas noong 2002, sinasabing kinukumpiska ang mga paninda at P500 ang multa kapag unang offense.
Sa ikalawang offense, P1,000 naman ang multa. Kung walang pambayad, isang araw na community service ang katapat.
Pero paalala ni Abalos: "Kung second offense or third offense na ito wala na po akong magagawa rito, we also have to set discipline here."
Sisitahin ang mga mahuhuling vendor sa unang paglabag. Pero hinimok niya ang mga vendor na makipagdayalogo sa mga lokal na pamahalaan at sa MMDA para malaman kung saan sila puwedeng magbenta.
Naghahanda na rin ang MMDA sa mga panuntunan ng mga transport terminal para masiguradong ligtas na babiyahe ang mga motorista sa Undas.
Handa na rin daw ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa inaasahag dagsa ng mga biyahero simula Biyernes.
Nag-hire na ng dagdag-enforcer ang MMDA para sa pagmando ng trapiko, partikular na sa mga intersection para mabilis na makabiyahe ang mga bus.
Nagpaalala naman si Abalos na sumunod sa minimum health protocols at ipapaubaya na lang daw niya sa mga eksperto ang papayagang kapasidad sa mga pampublikong sasakyan.
Suspendido pa rin ang number coding at truck ban.
— May mga ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News
FROM THE ARCHIVES
MMDA, sidewalk vendor, street vendor, Benhur Abalos, PITX, advisory, Metropolitan Manila Development Authority, TV Patrol