PatrolPH

Mahigit P20-milyong halaga ng marijuana sinira sa 3 taniman sa Cebu

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2021 07:29 AM

MAYNILA—Tinutugis pa rin ang mga tinuturong may-ari ng 3 marijuana plantation na nadiskubre sa lalawigan ng Cebu Sabado.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region VII, magkakasunod na tinunton sa parehong araw ang mga taniman sa bayan ng Balamban at sa Toledo City.

Kasama ng PDEA ang pulisya, navy, at militar sa eradication operation.

Pinagbubunot ang 11,500 marijuana plants sa lupaing may lawak na 800 square meters sa Sitio Quo, Barangay Gaas sa Balamban.

Tinatayang may halaga itong P4.6 milyon.

Pagkatapos tumungo sa Toledo ang grupo noong hapon, kung saan nasamsam nila ang nasa 40,000 fully grown marijuana plants sa 2 site sa Sitio Hikapon, Barangay General Climaco.

Nasa P16 milyon naman ang halaga ng mga halaman sa kabuaang 2,500 square meters na lupain.

Ayon sa PDEA, hindi naabutan at sinasabing tumakas ang mga pinaniniwalaang cultivator ng mga taniman.

Kinilala ang may-ari ng taniman sa Balamban na si Rodrigo Cabilles. 

Matapos kumuha ng ilang sample para dalhin sa laboratoryo, sinunog sa mismong site at ibinaon sa lupa ang mga binunot na halaman.

Sa kabuuan, nasa P20.6 milyon ang halaga ng mga tanim na sinira.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.