Mga bahay, ekta-ektaryang pananim sa Oriental Mindoro, nadale ng Quinta

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2020 04:06 PM

Libo-libong residente ang lumikas sa Pola, Oriental Mindoro nang bahain ang lugar dahil sa hagupit ng bagyong Quinta. Eric De Castro, AP. 

MAYNILA - Ekta-ektaryang pananim ang napinsala, at may mga nasira ring bahay nang bayuhin ng bagyong Quinta ang ilang bayan ng Oriental Mindoro, ayon sa kanilang mga alkalde ngayong Martes.

Kung susumahin, mahigit P500 milyong pananim na aanihin na sana sa Pinamalayan, Oriental Mindoro ang napuruhan ng bagyo. 

Ayon kay Pinamalayan mayor Aristeo Baldos Jr., nasa P261 milyon halaga ng palay ang pinadapa ng bagyo. Katumbas ng 3,000 ektarya o 80 porsiyento ng mga palayan nila ang binaha. 

Nasa P253 milyon naman ang halaga ng danyos sa mga sagingan, na pangunahing kabuhayan ng mga residente sa bayan. 

"Malaki po ang nasira rito sa amin sa Pinamalayan. Iba pa po ang mga binahang lugar, lalo na sa mga kabahayan. Sa ngayon po ay diretso ang assessment namin,” ani Baldos sa panayam sa TeleRadyo. 

Watch more in iWantTFC

Wala pang kuryente sa bayan at problema nila ngayon ang pondo dahil nasaid ito ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic. 

MGA SAGINGAN, NIYOG SA POLA, NASIRA RIN 

Sa bayan ng Pola kung saan nag-landfall ang bagyo, halos 100 porsiyento ng kanilang mga sagingan at maraming niyog ang nadale.

"Halos 100 percent po. Ubos po ang ating mga saging. Marami rin pong mga niyog," ayon kay Pola Vice Mayor Leandro Panganiban Jr.

Nasira rin ang bangka ng mga mangingisda sa bayan, at umapaw ang ilang fishery dahil sa high tide at baha na dala ng Quinta. 

Lumikas din ang libo-libong residente dala ng bagyo. 

Hiniling na rin ng lokal na pamahalaan na isailalim sa State of Calamity ang probinsiya dahil sa mga epekto ng bagyo. 

Giit naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na sapat ang kanilang pondo para magbigay ng tulong habang may pandemya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.