Mga vendor pinagbawal, pinaalis sa Manila North Cemetery

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2019 03:03 PM | Updated as of Oct 27 2019 06:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinimulan nang paalisin ngayong Linggo ang mga vendor sa Manila North Cemetery alinsunod sa "no vendors policy" ng pamahalaang lokal.

Pinaalis ang mga vendor sa loob ng sementeryo para maging organisado at malinis umano ang lugar sa paggunita ng Undas.

Ilang vendor ngayon ang patagong naglalako ng mga bulaklak, kandila, at iba pang produkto sa loob ng sementeryo.

May ilang vendor na nanatili sa labas ng gate ng sementeryo pero iginiit ng mga awtoridad na maging doon ay bawal sila.

"Masakit sa amin mawalan ng puwesto, lalo na ito ang hanapbuhay namin. Ito lang pagkakakitaan namin. Dito kami kumukuha ng pangkain, pambayad ng ilaw," anang vendor na si Abie Jimenez.

"Kaya kahit ngayon lang sana pagbigyan niyo kami, Mayor Isko," apela niya.

"Masama loob namin, Mayor. Minsan lang po sa isang taon ang pagkakataon namin kumita," sabi naman ng vendor na si Mirasol Castañeda.

Sa Manila South Cemetery, pinagbigyan ang mga vendor na manatili hanggang Martes matapos silang makipagdayalogo sa pamunuan ng sementeryo.

"Nakiusap po sila dahil wala raw silang pamasko," ani Raffy Mendez ng Manila South Cemetery administration.

"Siyempre, tao lang tayo, mapagbigyan naman natin ang kahilingan ng mga nagtitinda bilang pakikisama," dagdag niya.

MGA BISITA SA SEMENTERYO DAGSA NA

Marami na rin ang dumagsa sa sementeryo ngayong Linggo.

Minabuti na ng iba na ngayon na maglinis ng puntod, at mag-alay ng mga kandila at bulaklak para makaiwas sa siksikan sa mismong Undas.

"Malayo kami, sa Marikina kami nakatira. Eh dumalaw na kami ng maaga. Pagka a-uno o a-dos, mahirap, siksikan na," ani Malou Lamit.

"Baka hindi na kami makapunta ng a-uno. Kapag pupunta ka ng a-uno, napakasikip. Sa paglakad pa lang, pahirapan na," sabi naman ni Rey Sobresida.

Samantala, ngayon pa lang ay may mga nakumpiska nang bote ng alak sa Manila South Cemetery na kabilang sa mga ipinagbabawal sa loob ng sementeryo.-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.