Mag-asawa, patay nang ma-hit and run sa Negros Occidental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2019 07:43 PM

Patay ang isang babae at lalaki nang mabangga ng isang pick-up truck ang motorsiklo na kanilang sinasakyan sa Barangay Lopez Jaena sa bayan ng Murcia sa Negros Occidental Sabado ng umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Junnil at Maria Lucil Nabua, na mag-asawang Taga Cebu City at bumisita lamang sa Murcia para dalawin ang mga kamag-anak.

Isinugod pa sila sa ospital matapos ang aksidente pero idineklara ring dead on arrival.

Iniwan ng hindi pa nakikilalang driver ang nakaaksidenteng pick-up sa Purok Lumboy na isang kilometro lamang ang layo sa pinangyarihan ng insidente.

Natukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng may-ari ng sasakyan pero nirentahan umano ang sasakyan at hindi niya kilala ang drayber.

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang krimen para makilala ang drayber na sangkot sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.