Dating merchandiser sa supermarket ang 35 anyos na si JC Semira.
Nang magtapos ang kontrata ng kaniyang agency na One Source Facility Services sa isa nitong kliyente, isa si Semira sa nawalan ng trabaho.
Hindi agad nahanapan ng trabaho si Semira kaya boluntaryo siyang nag-resign pero hindi naibigay ang huling niyang suweldo at naiwang benepisyo, na aabot sa higit P10,000.
"Huling suweldo, 'yong natirang 13th month [pay] at 'yon pong, mayroon pa pong kulang na suweldo," sabi ni Semira.
Kusang idinulog ni Semira ang kaniyang reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE) pero hindi siya sinipot ng dating agency sa 4 na pagdinig na ipinatawag ng ahensiya.
May karapatan si Semira sa kaniyang claim kahit boluntaryo siyang nag-resign, ayon kay Labor Assistant Secretary Benjo Benavidez.
"To us, I think one month is enough for the processing ng claim ng isang empleyado," ani Benavidez.
Muling ipinaalala ni Benavidez na obligasyon ng mga employment agency na hanapan ng trabaho ang kanilang empleyado sa loob ng 3 buwan simula nang mawalan ng trabaho.
"Kung hindi po iyon mabigyan within the period of 3 months, 'yon po ay maituturing nang separation. That entitles the work, separation pay," ani Benavidez.
Sa sulat na ipinadala ng One Source Facility Services sa "TV Patrol," sinabi nitong nakipag-ayos na sila kay Semina sa mismong opisina ng DOLE sa Lipa, Batangas.
Nakuha na ni Semina ang naiwang sahod at benepisyo mula sa dating agency.
-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, hanapbuhay, sahod, benepisyo, employment agency, Department of Labor and Employment, TV Patrol, Zen Hernandez, TV Patrol Top, trabaho, separation pay