PatrolPH

SRP ng bigas sinimulan nang ipatupad

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2018 11:25 AM | Updated as of Sep 30 2019 02:20 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Magkasamang inilunsad ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) at National Food Authority (NFA) nitong Sabado ang paglalagay ng suggested retail price (SRP) sa bigas at prescribed labeling sa milled rice. 

Ito ay upang maiwasan ang pananamantala ng ilang nagtitinda na nagtataas ng presyo ng bigas. 

Pinangunahan ni Agriculture Secretary Manny Piñol at Trade and Industry Secretary Ramon Lopez ang paglulunsad ng SRP sa Commonwealth Market sa Quezon City.

Maaga pa lang ay naglibot na ang dalawang kalihim sa palengke ng Commonwealth para sa paglulunsad ng SRP ng bigas. 

Nagkaroon naman ng ceremonial cutting of ribbons bago ang maikling programa sa rice section ng Commonwealth Market kung saan isinagawa ang paglulunsad ng SRP ng bigas. 
 
Base sa naaprubahan ng NFA Council, ang mga sumusunod na presyo ang itinakdang SRP ng bigas kada kilo:

  • Imported well-milled: P39
  • Imported premium (PG1): P43 
  • Imported premium (PG2): P40
  • Local regular-milled: P39 
  • Local well-milled: P44
  • Local premium grade: P47 

Wala namang SRP ang special rice.

“Wala na dapat ngayon na P60 kada kilong bigas. Dapat wala nang magsamantala dito," ani Piñol.

Dagdag pa ni Piñol, iiral ngayong araw ang pagtatakda ng SRP sa National Capitol Region at susunod na sa mga lalawigan.

“Gusto natin na matiyak na maipatutupad ang SRP kaya nakilahok kami dito," ayon naman kay Lopez.

Ngayong araw ding ito tuluyan nang ipinagbawal ng DA ang paglalagay ng pangalan ng mga ibinebentang bigas katulad ng mga kinagawiang pangalang Sinandomeng, Super Angelica, Mindoro Dinorado, Yummy Yummy, at Jasmine Rice.

Tatawagin na lamang sa iisang pangalan- "special rice" - ang mga bigas na ito.

"Ito'y nagagamit lang sa panloloko, kahit hindi naman Dinorado sasabihin Dinorado. Maling trade practice ito," ani Piñol. 

Magsasagawa ng monitoring ang NFA Council sa mga pamilihan para matiyak na nasusunod ang tamang paglalagay ng SRP sa mga ibinebentang bigas gayundin ang paglalagay ng "special rice" sa mga kinagawiang mga dating pangalan ng mga bigas na ipinagbabawal nang gamitin. 

Tatanggalan naman ng lisensiya ng DA ang mga rice retailer na hindi susunod sa SRP. 

Susunod na tututukan ng DA at DTI ang mga supermarket na nagtitinda ng bigas. Mayroon kasing ilang mga superamarket na nagtitinda ng bigas sa halagang P100 kada kilo na ayon kay Piñol ay mga walang pakundangan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.