SOCO: Med rep ninakawan, 30 beses sinaksak sa Cainta, Rizal

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2018 02:53 PM

 

Tadtad ng saksak at duguan nang datnan ng mga awtoridad ang bangkay ng 26-taong gulang na medical representative na si Kathrina Nakpil sa loob ng inuupahan nitong tahanan sa Cainta, Rizal noong Setyembre 21, 2018.

“Sa autopsy, exactly mayroon siyang 30 stab wounds...Sobrang lakas ng pagsaksak niya, naputol 'yung isang kutsilyo,” banggit ni Supt. Pablito Naganag, hepe ng Cainta police.

“Nakatihaya 'yung babae. Tsaka 'yung sitwasyon talaga kalat na 'yung dugo sa loob,” dagdag ni Naganag.

Naging person of interest ang kasintahan ng biktima na natagpuang punong-puno rin ng dugo sa buong katawan.

“Kasi doon sa wall mayroon siyang palm print doon. May mga footprints din siya kasi siya nga 'yung unang nakakita doon,” ani Naganag.

Depensa ng nobyo ng biktima, nagmamaneho raw siya noon at kausap sa cellphone si Nakpil.

Sa gitna ng tawag, may biglang kinausap na iba si Nakpil.

“Naka-earphones ako nito sa kotse while driving. Suddenly, may narinig ako... Pinapakiramdaman ko kung anong nangyari. Nasa EDSA-Balintawak ako non, I decided na huminto muna sandali. Tinanggal ko 'yung headset ko then sinaksak ko 'yung AUX cable ng kotse, and then vinolume ko para maintindihan ko kung may pinag-uusapan sila,” sabi ni alyas "Michael."

Nai-record naman ang buong tawag sa pamamagitan ng dashboard camera ng sasakyan ni Michael.

Dahil sa paliwanag ni Michael, muling binalikan ng mga awtoridad ang crime scene at doon sila nakahanap ng mga panibagong testimonya at mga ebidensiya. 

Pangunahing suspek sa krimen ang construction worker na si Jimboy Manglinong na ngayon ay tinutugis na ng mga awtoridad. SOCO

Natukoy na panibagong person of interest ang 26 anyos na si Jimboy Manglinong, isang construction worker.

"May mga warrant na pala siya... May murder na siyang kaso at nakulong na rin ‘yan noong 2012 sa kasong rape na na-dismiss nitong 2018 kasi allegedly nagkaaregluhan,” ayon kay Naganag.

Itinuring na ngayong pangunahing suspek si Manglinong dahil sa mga sirkumstansiya at testimonya. Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong robbery with homicide.

Nanawagan ang Cainta police na makipag-ugnayan sa mga sumusunod na numero kung may impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng suspek: 0998-967-3459 at 0939-725-4158.

Panoorin ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.