Nasa 26 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng awtoridad mula sa drug suspek sa Barangay Mananga sa Talisay City. Donna Lavares, ABS-CBN News
TALISAY CITY – Aabot sa P6.4-milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa tatlong suspek na naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation sa mga lungsod ng Talisay at Cebu, Biyernes ng gabi.
Unang naaresto si alyas Judy, isa umanong high-value target, sa Barangay Mananga kung saan nakuha sa kaniya ang umaabot sa 300 sachet ng hinihinalang shabu.
Nahuli naman sa followup operation sa parehong barangay ang kasabwat ni Judy na si alyas Ronie. Umabot sa 26 gramo ng shabu ang nakuha sa kaniya.
"Matagal din natin minonitor ang dalawa bago nahuli kasi pabago-bago ang address ng dalawa. Lumabas ang kanilang pangalan sa tulong ng ating mga naunang huli. We're verifying pa their other drug links,” ayon kay Chief Insp. Ardie Cabagnot, deputy chief ng Talisay City Police
Inamin naman ng dalawang drug suspect na nagbebenta sila ng shabu.
Samantala, isang alyas Maye naman ang naaresto sa buy-bust operation sa Barangay Kalunusan sa Cebu City.
Mga sachet ng shabu na nagkakahalaga umano ng P6-milyon ang nakuha sa kaniya.
Paliwanag nito na inutusan lang siya na magdala ng shabu. Hindi naman niya sinabi kung sino at saan ito dadalhin.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
illegal drugs, shabu, buy-bust operations, talisay city, police, crime, tagalog news