Opisyal na 'nagprito ng itlog ng pagong' may pananagutan ba?

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2018 03:22 PM | Updated as of Sep 30 2019 02:27 PM

Watch more in iWantTFC

Inulan ng batikos ang dating alkalde ng Titay, Zamboanga Sibugay na si Maria Esperanza Corazon Rillera kasunod ng Facebook post niya kung saan makikita ang pagpiprito ng umano'y itlog ng pagong na iniregalo daw sa kaniya. 

Ayon sa isang abogado, dapat munang maimbestigahan kung kanino niya nakuha ang mga itlog na ito at kung aprubado bang magbinhi at mangolekta ang pinagkuhanan niya nito. 

Nakasaad kasi sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act na may ilang mga wildlife farms na pinapayagang mag-breed ng mga hayop, tulad ng turtle, basta may permit mula sa Department of Environment and Natural Resources o Department of Agriculture. 

"Dapat natin malaman [kung] sino ang nagbigay, kung 'yung nagbigay ba may permit ba na mag-breed, na magbinhi, na magkaroon ng wildlife farm for this?" ayon kay Atty. Claire Castro sa "Usapang de Campanilla" nitong Biyernes. 

"Kung ito ay nahuli mo lang, out of nowhere at nakita mo, kinain mo definitely liable ka," aniya. 

Kapag napatunayang galing sa ilegal na wildlife farm ang nasabing itlog, maaari din siyang kasuhan sa pagtangkilik ng mga ito. 

Bukod pa rito, ani Castro, maaari pang makasuhan ng grave misconduct si Rillera dahil nagsisilbi siya ngayon bilang Sangguniang Panlalawigan board member. 

Kung mahatulan, maaaring makulong nang 6 hanggang 12 taon si Rillera. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.