MODUS: Lolo timbog sa pag-aalok ng mga 'prangkisa' na pampasada

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2018 07:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang senior citizen matapos umano magpanggap na taga-ayos ng mga prangkisa ng AUV o pampasadang sasakyan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). 

Ayon sa awtoridad, aabot sa P5 milyon ang natangay ng suspek na si Domingo Jangayo, na sabay-sabay sinugod ng 12 complainant sa kulungan ng Regional Special Operations Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO). 

Sa bisa ng anim na arrest warrant sa kasong estafa, na-corner ng mga pulis Biyernes ng gabi si Jangayo sa pag-uwi sa kaniyang bahay.

Modus umano ni Jangayo na magpanggap na may-ari ng lehitimong grupong Parañaque Transport Service Cooperative o BF PATASCO at nag-aalok sa mga biktima na mag-aayos ng mga prangkisa sa LTFRB.

Nasa P250,000 hanggang P300,000 ang singil ni Jangayo sa kada kunwaring prangkisa ng isang AUV.

Nasa P750,000 ang nakolekta ng suspek kay Senen Samantena, na 32 taon pinag-ipunan ang pera noong overseas Filipino worker pa siya.

"Nung hinihingi na namin 'yung franchise, wala na hindi na sumasagot," aniya.

Na-impound naman ang sasakyan ng ilang biktima matapos lokohin ng suspek na "ayos" na umano ang kanilang prangkisa.

"Lahat kami pinabiyahe niya tapos nalaman namin na walang franchise pala," ayon naman kay alyas "Anne."

Aabot sa P5 milyon ang pera na natangay ng suspek sa mga biktima.

Iniimbestigahan na rin ng NCRPO ang umano'y binuong "transport group" sa Laguna ng suspek na may katulad na modus.

Batay naman sa certification ng Parañaque Cooperative Development Office, pag-aari ng isang Vicente Duroy ang BF PATASCO at hindi ni Jangayo.

May paalala naman ang pulisya sa mga nagbabalak mag-negosyo. 

"Kung tayo nag-aapply ng prangkisa or kung san man na mga ahensiya, dumeretso na kayo sa kanilang tanggapan. Kung dumaan pa tayo kung saan-saan, chances are maloloko kayo," babala ni NCRPO chief Director Guillermo Eleazar.

Sabi ng NCRPO, may lima pang arrest warrant si Jangayo dahil sa kaso rin ng estafa. 

Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang suspek.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.