Dahil sa 'dura', estudyante pinatay sa saksak

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2018 03:46 AM

ISABELA - Patay ang isang 18 anyos na estudyante matapos saksakin ng isang lalaking lasing sa Cabatuan, Isabela Biyernes ng madaling-araw.

Ayon sa pulisya, minamaneho ng biktimang si Mike Raven Abad ang kolong-kolong nang habulin at harangin ng suspek na si Sherwin Rivera sa national highway ng Barangay Calaocan.

Nang makalapit ang suspek sa biktima ay bigla itong inundayan ng 3 saksak sa dibdib. Naisugod pa ang biktima sa ospital pero hindi na ito umabot ng buhay.

Nahuli naman ng mga pulis ang suspek na aminado sa kaniyang nagawa. Pero giit niya, nagalit siya sa biktima matapos umano itong mandura.

"Dumaan sila sa harap namin, dinuraan kami sabay nagtawanan kaya hinabol namin. Nagsisi man sir, wala akong magawa. Humihingi na lang ako ng tawad," ani Rivera.

Hindi naman inaalis ng pulisya na dala ng kalasingan kaya nagkainitan ang suspek at biktima.

"Parehas na nasa influence ng alak kaya siguro ganun,” ani Chief Insp. Vicente Guzman, hepe ng Cabatuan police.

Nasampahan na si Rivera ng reklamong murder. Itinanggi naman niya ang 2 sachet ng hinihinalang shabu na nakuha sa kaniyang jacket.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.