2 umano'y recruiter ng sugar workers kinasuhan kaugnay ng Sagay massacre

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2018 06:30 PM

Sinampahan na ng kaso ng pulisya ang mga umano'y recruiter ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) kaugnay ng pagpatay sa siyam na magsasaka noong nakaraang linggo sa Sagay City, Negros Occidental.

Isinampa na nitong Biyernes ng Philippine National Police (PNP) ang kasong multiple murder laban kina Rene Manlangit at Rogelio Arquillo kasama ang pitong John Doe o mga salarin na hindi pa nakikilala.

Naniniwala ang Police Regional Office 6 (PRO-6) na ang mga recruiter ang may kinalaman sa pagpatay sa mga inosenteng biktima.

Ayon pa kay PRO-6 Regional Director Chief Supt. John Bulalacao, ginawa lamang na sacrificial lamb nina Manlangit at Arquillo ang mga biktima para gumawa ng ingay at magalit ang mga tao sa gobyerno.

Dagdag pa ni Bulalacao, nakita sa imbestigasyon na halos sa likod ang tama ng mga namatay at wala ring senyales na nanlaban ang mga ito.

Kaduda-duda din ayon kay Bulalacao na wala sina Manlangit at Arquillo nang mangyari ang insidente dahil sa umano'y nag-charge sila ng kanilang mga telepono.

Naniniwala rin umano ang pamilya ng mga biktima sa isinagawang imbestigasyon ng kapulisan.

Ayon pa sa ama ng isang namatay na menor de edad, tumutol siya sa pag-recruit sa kaniyang anak isang araw bago ang insidente kaya gusto niyang mapanagot sina Manlangit at Arquillo.

Nagsagawa na rin ng sariling imbestigasyon ang lokal na pamahalaan ng Negros Occidental kaugnay ng nasabing insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.