Sino ang mga pumaslang sa 16 anyos na estudyante sa QC?

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 11:16 PM

May sinisilip nang lead ang Quezon City Police District (QCPD) sa pamamaslang ng riding-in-tandem sa isang 16 anyos na estudyante sa Project 8, Quezon City noong Miyerkoles ng gabi. 

Matatandaang naglalakad lamang ang estudyante sa General Avenue, Bahay Toro, Quezon City nang bigla siyang salubungin at hablutin ng nakamotor na mga suspek bago ito pagbabarilin.

Malaki ang pagkakapareho nito sa mga suspek sa nanloob na riding-in-tandem sa isang bakery sa Mindanao Avenue sa parehong lungsod na nasapul naman ng CCTV.

Oktubre 11 nang pasukin ang isang bakeshop sa isang subdibisyon sa Mindanao Avenue extension. 

Makikitang nag-iikot at naghahanap ng mabibiktima ang mga armadong suspek na sakay ng motorsiklo.

Isang beses ay pinuntirya nila ang cellphone ng isang lalaki na kanilang hinintuan at tinuntukan ng baril. 

Naniniwala ang QCPD na posibleng ang dalawang suspek din ang nangholdap at pumatay sa estudyante lalo't cellphone din ang pakay sa biktima.

"Parehas ang istilo nila. Naghahanap ng mabibiktimang may cellphone at mukang yung helmet tumutugma at yung baril na ginamit," saad ni Senior Insp. Elmer Monsalve, hepe ng QCPD homicide division.

Binabalikan pa ng QCPD ang ilan pang kuha ng mga CCTV sa lugar. 

Agarang hustisya naman ang hiling ng pamilya ng menor de edad na napatay. --Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.