Pulis, patay sa pamamaril sa Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 09:24 AM

Photo courtesy of Jeffrey Herminado

SOUTH COTABATO – Patay sa riding in tandem ang isang pulis, Huwebes ng umaga sa Tupi, South Cotabato.

Kinilala ang biktima na si PO2 Charlie Liva nang pagbabarilin ito alas-11:40 ng umaga sa highway ng Purok Basak sa Barangay Polonuling.

Hindi naman makapaniwala ang ina ng biktima na si Remedios sa nangyari sa kanyang anak.

“Nag-pray lang ako na, Lord, tulungan mo naman ang anak ko. Kaya pala, patay na siya,” sabi niya.

Batay sa imbestigasyon, sakay ng motorsiklo ang biktima na papunta sa Police Regional Office 12 sa General Santos City para ipasa ang kanyang mga dokumento. Mag a-apply sana ito para sa kanyang promotion.

Mula siya sa bayan ng Surallah kung saan siya nakadestino bilang non-commissioned officer ng operation section ng police station.

Habang nasa kalsada pa, tinabihan ng mga salarin ang biktima at pinagbabaril. Mabilis silang tumakas papunta sa kalapit bayan ng Polomolok, tangay ang baril ng biktima.

“Banda doon sa unahan ng Tupi Fruit Park, sinundan siya. Then doon sya binaril, nakamotorsiklo yung bumaril,” sabi ni Police Chief Inspector Bernie Faldas, hepe ng Tupi Police Station na nag-iimbestiga sa insidente.

Nagtamo ng 13 tama ng bala sa katawan at ulo si Liva. Pitong basyo mula sa kalibre .45 na baril ang narekober sa crime scene.

Ayon sa kanyang hepe na si Police Chief Inspector Jardimont Sibal, wala siyang nakita o narinig na may problema ang biktima.

Si Liva ang pangatlong pulis sa South Cotabato na pinagbabaril ng riding in tandem gunmen ngayong taon lang. Iniwan ng biktima ang dalawang taong gulang nyang anak na lalaki.

Walong taon na rin syang nagtatrabahong pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.