Preparasyon para sa Undas, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 10:12 PM

Umarangkada na ang mga preparasyon sa sementeryo, mga kalsada, bus terminal, at paliparan para sa darating na Undas. 

Manila North Cemetery, pulisya, naghahanda na

Naghahanda na ang pamunuan ng Manila North Cemetery at Manila Police sa pagdating ng higit isang milyong bibisita sa mga puntod ngayong Undas. 

Nagpaikot ang Manila City Hall Engineering Department ng boom trucks para magkabit ng mga kable ng ilaw sa daraanan ng mga tao sa Manila North Cemetery.

May umiikot nang mga garbage trucks na naghahakot ng basura at nag-inspeksyon na rin ang National Capital Region Police Office at Manila Police District. 

Nakahilera na rin ang mga tindahan ng bulaklak at marami na ring nagpipintura ng mga puntod.

Ayon sa director ng Manila North Cemetery, nasa mahigit 1,000 na ang dumating nitong Biyernes. 
    
Inaasahang dadagsa ang mga tao sa October 31 at November 1, at maaari rin umanong umabot sa dalawang milyon ang dadagsa sa Undas.

Noong isang taon, nakuhanan pa ng video ang sobrang dami ng tao sa sementeryo kung saan muntik na umanong nagka-stampede kaya naman doble-ingat na ang mga awtoridad ngayon.

“Last year kasi medyo umulan, medyo nataranta ‘yung mga tao. Huwag mag-panic,” ayon kay NCRPO chief Director Oscar Albayalde.

Bukas ang sementeryo mula alas-5 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi pero sa labas lang puwede mag-park ng sasakyan simula Lunes.

“All kinds of vehicles, private, or public, or government will be already prepositioned diyan sa Dimasalang,” ayon kay Chief Supt. Jigs Coronel, director ng MPD.

Para naman mas madaling mahanap ang mga puntod, puwede munang i-check ang lokasyon sa website ng Manila North Cemetery bago pumunta sa sementeryo.

Nagpaalala rin ang pamunuan ng Manila North Cemetery na mahigpit na pinagbabawal ang mga deadly weapon at alak kaya ngayon pa lang, humihingi sila ng paumanhin dahil bubusisiin nila lahat ng lagayan ng inumin at pagkain.

Ipinagbabawal din ang pagdadala ng mga hayop at musical instrument, baraha o anumang uri ng pangsugal. Hangga’t maaari magdala rin ng sariling garbage bags.

Pinayuhan din ang publiko na i-check ang Facebook page ng Metropolitan Manila Development Authority para sa rerouting ng mga sasakyan mula October 31 hanggang November 1. 

Mga pasahero ng bus na uuwi sa probinsya, dumarami na

Samantala, marami na ang nagsisimulang mag-uwian sa probinsya para sa Undas kaya inabisuhan ang mga pasahero na agahan ang pagpunta sa mga airport at bus terminal.
    
Hiwalay na ang terminal para sa mga ordinary at air-conditioned buses sa Araneta Center Bus Station kaya mas maluwag ngayon kahit umpisa na ang uwian para sa Undas.

Sa kabila nito, fully-booked na nitong Biyernes ang mga panggabing biyahe ng mga air-conditioned bus.

Bandang alas-3 naman ng hapon nang magsimula ring dumami ang mga pasahero sa ordinary bus. 

May ilang bus naman na bahagyang naaantala ang pag-alis dahil sa dami ng bagahe ng ilang pasahero. May dala kasing appliance ang ilan tulad ng telebisyon at mga speaker.

Paalala ng mga dispatcher, limitahan ang dala para hindi rin makaabala sa iba.

Samantala, inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang 420 special permits para sa mahigit 1,000 dagdag na bus na bibiyahe sa buong Pilipinas ngayong Undas.

Inaasahan na lalo pang dadagsa ang mga pasahero sa mga bus terminal ngayong Sabado.

Daloy ng trapiko sa NLEX at SLEX, maluwag pa

Bagama't marami na ang nagsisiuwian, normal pa ang pasok ng mga sasakyan sa North Luzon Expressway (NLEX) dahil may pasok pa naman sa Lunes.

Nasa 200,000 ang daily average ng mga sasakyan na dumadaan sa NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) pero inaasahang tataas ito ng 15 hanggang 20 porsiyento ngayong Undas.

Sabi ng pamunuan ng NLEX, wala silang nakikitang magiging problema dahil nagdagdag sila ng expansion toll booths sa Balintawak Toll Plaza.

Nadagdagan ng walo ang dating 17 regular toll booths kaya 25 na ang mangongolekta ng toll at hindi na kailangan ng ambulant tellers.

Dadagdagan din ang toll gates sa mga madalas na chokepoints tulad ng Balintawak, Mindanao Ave., at Meycauayan.

Bukod dito, bukas na ang bagong 64-lane kilometer sa pagitan ng Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan, at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga.

Sa mga masisiraan ng sasakyan, may free towing service simula October 28 hanggang November 2 mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi pero para sa mga class 1 vehicles lang.

Payo pa rin nila sa mga motoristang bibiyahe, siguraduhing nasa magandang kondisyon ang inyong sasakyan bago bumiyahe.

Sa South Luzon Expressway (SLEX) naman, maluwag pa rin ang daloy ng trapiko.

Mga pasahero, inabisuhang agahan ang pagpunta sa airport

Samantala, inaasahang dadagda ang mga pasahero sa mga airport kaya nagpaalala na ang Cebu Pacific na pumunta sa paliparan nang mas maaga dahil sa inaasahang mahabang pila.

Dalawang oras ang inirerekomendang allowance kung domestic flight at tatlong oras naman sa international flight.
 
Mas mainam din anila kung magche-check-in na online para baggage drop off na lang ang gagawin sa counter.

-- Ulat nina Zyann Ambrosio, Zen Hernandez at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.