2 patay sa salpukan ng trak, van sa Antipolo

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 05:13 AM | Updated as of Oct 27 2017 09:06 PM

Dalawa ang patay, kabilang ang isang bata, at siyam ang sugatan matapos magsalpukan ang isang dump truck at van sa Sumulong Highway sa Antipolo, pasado alas-11 ng gabi ng Huwebes.

Ayon sa Antipolo police, patay ang 76 taong gulang na babae at isang taong gulang na bata na pasahero ng puting van.

Ayon sa mga nakakita, mabilis ang takbo ng trak at kinain na ang kabilang lane. Sumalubong ito sa van at nagbanggaan ang dalawang sasakyan.

Tatlong beses umano umikot ang van bago tumama at sumampa sa isang pader, samantalang tumagilid ang trak. 

Nakaligtas sa aksidente ang kakambal ng batang namatay.

Ayon kay Dr. Eduardo Urbano, general surgeon sa Amang Rodriguez Hospital, stable na ang lagay ng siyam na pasahero.

"Malubha lang sa kanila 'yung isa, may bali sa tadyang. Mayro'n din 'yung bali sa clavicle," ani Urbano. 

Napag-alamang magkakamag-anak sila na nagbakasyon sa Abra at pauwi na sana sa Mabitac, Laguna nang mangyari ang insidente.

Kasalukuyang pinaghahanap ng awtoridad ang driver ng trak na tumakas.

Nahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide at multiple physical injuries.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.