2 Immigration officials na dawit sa P50-M suhulan, haharap sa plunder

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 08:52 PM

Halos isang taon matapos pumutok ang P50-million extortion scandal sa Bureau of Immigration (BI), pinakakasuhan na ng Office of the Ombudsman sina dating Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles ng plunder sa Sandiganbayan.

Bukod sa dalawa, damay din sa kasong plunder si Wenceslao Sombero Jr., na umano'y middleman sa panunuhol sa negosyanteng si Jack Lam noong Nobyembre 26-27, 2016, upang pawalan ang nahuling 1,316 na Chinese na ilegal na nagtatrabaho sa Fontana sa Clark, Pampanga.

Si Sombero ang nag-ayos ng meeting kasama sina Argosino at Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na tumagal lang umano ng 10 minuto.

Matatandaang kulang ng P1,000 ang nai-turnover na pera sa Department of Justice. Pero ayon sa Ombudsman, hindi ito dahilan para hindi sila kasuhan ng plunder.

Bukod sa plunder, kasong graft din ang kakaharapin nina Argosino, 
Robles at Sombero.

May kasong graft din si dating BI intelligence chief Charles Calima Jr. na nagpaliwanag na nagsasagawa lang siya ng counter-intelligence operations kaya siya nasangkot sa panunuhol.

Nauna nang itinanggi nina Argosino at Robles ang pagtanggap ng suhol.

Depensa nila, na-frame up lang sila at pansamantala lang itinago ang pera bilang ebidensiya.

Pare-parehong may direct bribery cases naman sina Argosino, Robles, Sombero at Calima. 

Si Lam, ang gambling tycoon at sinasabing nagbigay ng P50 milyon bilang suhol, kasama nina Argosino, Robles, Sombero at Calima sa kasong paglabag sa Presidential Decree 46 o ang pagpaparusa sa mga opisyal na tumatanggap at sa mga pribadong indibidwal na nagbibigay ng regalo sa opisyal na nasa posisyon sa gobyerno.

Bago tuluyang isampa sa Sandiganbayan ang mga kaso, may limang araw para magsumite ng motion for reconsideration ang mga sangkot sa kaso.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.