19 pulis-Caloocan na 'nanloob' sa bahay, iniimbestigahan na

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 02:36 AM

Umusad din ang imbestigasyon sa mga kaso kaugnay ng pagkakapatay kina Carl Arnaiz at Reynaldo de Guzman

Sumalang sa preliminary investigation sa Department of Justice nitong Huwebes ang mga pulis-Caloocan na inireklamo matapos pasukin ang isang bahay nang walang search warrant at pinagnakawan pa.

Personal na humarap sa Panel of Prosecutors ang nagsampa ng reklamo na sina Gina Erobas and Gil Magallon at ang 19 respondents na pulis, maliban lang kay Chief Inspector Timothy Aniway Jr.

Naghain ng reklamong robbery, violation of the law against child abuse, trespass to dwelling at violation of domicile sina Erobas at Magallon laban sa mga respondents.

Itinakda ng DOJ panel ang susunod na hearing sa Nobyembre 20 sa ganap na alas-10 ng umaga kung saan inaasahang magsusumite na ang mga respondents ng kani kanilang kontra-salaysay.

PAGPATAY KINA CARL AT KULOT

Sa pagpapatuloy naman ng preliminary investigation ng panel of prosecutors kaugnay ng reklamong double murder, planting of evidence under violation of ra 9165 at 10591, at torture sa mga biktimang sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo "Kulot de Guzman," naghain ng rejoinder si ang taxi driver na si Tomas Bagcal at joint rejoinder ng 2 pang respondents na sina PO1 Jeffrey Perez at PO2 Ricky Arqueleta.

Dumalo rin sa preliminary investigation ang mga magulang ni De Guzman na sina Eduardo at Lina Gabriel at nagsumite ng manifestation na naglalaman ng karagdagang mga ebidensya.

Kapwa nakadalo rin sa pagdining ang mga magulang ni Arnaiz na sina Carlito at Eva.

Pinagsusumite ng tugon ang respondents kaugnay sa isninumetong mainfestation ng mga complainants sa Nobyembre 7, alas-10 ng umaga.

Pag-aaralan naman ng panig ng complainant ang affidavit ni Bagcal kung sila'y maghahain ng karagdang pangalan sa reklamo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.