Mga Pinoy sa Malaysia, binalaan laban sa passport scam sa social media

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2021 09:38 AM

alt

MAYNILA - Pinag-iingat ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur sa Malaysia ang mga Pilipino doon laban sa passport appointment scam sa social media.

Ayon sa abiso sa publikong ipinalabas ng embahada, pinapayuhan ang mga Pilipino sa Malaysia na direktang kumuha ng kanilang passport appointment sa official online appointment system nito.

“Ipinapaalala ng Embahada na hindi ito gumagamit ng Facebook, Whatsapp at iba pang social media network para sa passport appointments. Hindi rin ito nagpapahintulot sa sinomang tao o kompanya na mag-alok o mag-benta ng passport appointment slot,” ayon sa embahada.

Pinayuhan ng embahada ang mga Pilipino sa Malaysia na huwag tanggapin ang anumang alok ng mga passport agents o fixers para maiwasan ang problema at karagdagang gastos.

“Ang online appointment system ay ipinapatupad ng Embahada upang mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng mga aplikante at empleyado ngayong panahon ng pandemya.

Dagdag naman ng embahada na may karagdagang passport appointment slots silang binubuksang tuwing alas-8 ng umaga.