'Patanaw imbes na pahalik': Ilang tradisyon sa Quiapo bagong-bihis sa pandemya

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2020 07:39 PM

Kinansela ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang Traslacion ng Poong Nazareno sa taong 2021 dahil sa pandemic. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Matapos kanselahin ang Traslacion na gaganapin sana sa Enero 2021, nagdesisyon ang pamunuan ng Quiapo Church na palitan na din ang nakagawiang pahalik sa Poong Nazareno bilang pag-iingat sa pandemya. 
    
Sabi sa TeleRadyo ni Monsignor Hernando Coronel, imbes ang tradisyunal na pahalik, "patanaw" ang gagawin kung saan ilalabas ang imahen ng Nazareno sa balkonahe ng Quiapo Church. 

Sisimulan ito sa Disyembre upang matanaw ng mga deboto ang imahen. 

"Hindi po ito pahalik. Ang pahalik napupunasan at saka nahahawakan pero 'yung pagpupugay o 'yung patanaw ay gagawin natin," ani Coronel.

Ayon kay Coronel, magkakaroon din ng online misa ang simbahan na pangangasiwaan ni Bishop Broderick Pabillo.

Nakiusap naman ang obispo sa mga mananampalataya na unawain ang sitwasyon dahil sa kinakaharap na pandemic.

Ito ang kauna-unahang pagkakataong kinansela ang Traslacion sa loob ng 234 na taon.

Sa anunsiyo ng Manila Public Information Office, nagkasundo ang lokal na pamahalaan at ang simbahan na kanselahin ang Traslacion, na gaganapin sana sa Enero 9 dahil sa patuloy na banta ng COVID-19. Dinudumog ang prusisyon ng milyon-milyong deboto taon-taon.

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.