Lolo sa Cagayan na magliligtas sana ng mga alagang baka nalunod umano sa baha

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2020 07:14 PM

Sa imbestigasyon ng awtoridad, umalis ng kanilang bahay ang biktima noong Sabado ng madaling araw habang kasagsagan ng malakas na ulan para puntahan at ilipat ang mga alagang baka. Harris Julio

SANCHEZ MIRA, Cagayan — Isang bangkay ng 60-anyos na lolo dito ang natagpuan nitong Lunes matapos siyang maiulat na nawawala noong Linggo. 

Watch more in iWantTFC

Kinilala ang biktima na si Artemio Bumiltak, na residente ng Barangay Santor.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, umalis ng kanilang bahay ang biktima noong Sabado ng madaling araw habang kasagsagan ng malakas na ulan para puntahan at ilipat ang mga alagang baka.

Nagsimulang sumama ang panahon sa Cagayan nitong weekend dahil sa bagyong Quinta.

Patuloy na inaalam ang talagang nangyari sa biktima na hinihinalang nalunod sa ilog.

Sa Isabela naman, masuwerteng nakaligtas ang 4 na lalaki matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa ilog ng Ilagan City noong Linggo ng umaga.

Tatawid sana sila sa ilog para ilipat ang kanilang alagang kalabaw at baka. Pero habang binabaybay nila ang ilog ay tumaob ang kanilang bangka dahil sa malakas na agos. 

Nagawang makakapit ng isa sa pier ng Lullutan Bridge kaya nasagip ng mga residente at doon na rin nalaman ang pagkaanod ng tatlo niyang kasama.

Agad nagsagawa ng search and rescue operation kung saan nailigtas din ang tatlong lalaki.

Nabigyan na rin sila ng paunang lunas at nakauwi na sa kani-kanilang mga pamilya.

Watch more in iWantTFC

—Mula sa ulat ni Harris Julio 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.