Lalaking lasing, sinilaban umano ng kapwa lasing sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2019 11:58 PM

DAVAO CITY—Isang lalaki ang sinilaban umano ng kaniyang kapitbahay na kainuman niya sa Barangay Bangkas Heights Toril sa lungsod na ito nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima na si William Chiong, 50.

Ayon sa pinsan niya, nakipag-inuman ang biktima sa mga kapitbahay hanggang sa nakatulog siya sa ilalim ng isang puno sa sobrang kalasingan.

Ayon naman sa pulisya, pinagkatuwaan ng suspek na kainuman niya na lasing din ang biktima habang natutulog ito. Para magising ay sinilaban ng suspek ang biktima gamit ang dahon ng niyog at mga plastik, sa akala na magigising ito pero di nagising ang biktima at lumaki ang apoy.

Nalapnos ang likurang bahagi ng katawan ni Chiong na dinala agad sa ospital. Agad din pinalabas ang biktima matapos gamutin.

Ngunit nitong Sabado, isinugod ulit ang biktima sa ospital matapos siya magsusuka.

Wala pang pormal na reklamo na inihain laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.