PatrolPH

Bayan sa Davao del Sur inulan ng yelo

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2019 04:32 PM | Updated as of Oct 26 2019 04:55 PM

Watch more on iWantTFC

Nagulat ang mga residente sa Barangay Barayong sa bayan ng Magsaysay sa Davao del Sur matapos umulan ng yelo, Sabado ng hapon.

Nakuhanan ng video ni Harvey Flores ang pag-ulan ng mga butil ng yelo.

Kuwento niya, nagulat siya dahil masakit ang tama ng ulan habang inililigpit niya ang tent sa labas ng kanilang bahay. Iyon pala ay dahil may kasama na itong mga butil ng yelo. 

“Medyo matagal talaga kasi biglang lumakas ang ulan kaya iniligpit namin ang gamit sa labas. Nasa labas kasi kami dahil lumilindol sa lugar namin," sabi ni Flores.

Ayon sa PAGASA, ito ay isang hailstone. 

Ang hail ay yelo na bumabagsak galing sa isang severe thunderstorm. 

Nabubuo ito kapag masyadong mainit ang isang lugar na nagdudulot naman ng pagtaas ng water vapor na maaaring lumagpas sa tinatawag na freezing level. Sa puntong ito, ang water vapor ay pwedeng mag-freeze at maging yelo. 

Kapag marami nang yelo sa itaas ng thunderstorm clouds, ito ay bumabagsak sa lupa bilang hail. Ang hail ay bumabagsak sa bilis na 100 kph.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.