Bahay ng kapatid ni Budget Sec. Avisado, natupok sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2019 07:06 PM | Updated as of Oct 26 2019 08:02 PM

Nasunog ang bahay na pagmamay-ari ni Richard Avisado, kapatid ni Budget Secretary Wendel Avisado, sa Barangay Buhangin sa Davao City nitong Sabado. Handout

DAVAO CITY—Nasunog ang bahay na pagmamay-ari ng kapatid ni Budget Secretary Wendel Avisado sa Robinsons Highland Subdivision sa Barangay Buhangin sa lungsod na ito Sabado.

Ayon kay BJ Avisado, anak ni Richard Avisado na may-ari ng bahay, sinubukan nilang apulahin ang apoy gamit ang fire extinguisher pero malaki na ang sunog at mausok na.

"Maliligo na sana ako. Nakita ko may usok na sa kuwarto ko," ani BJ.

Ayon sa imbestigasyon, electrical short circuit ang dahilan ng sunog dahil sa matagal na nakasaksak na electric fan at lamp shade.

"May nakita kasi kami na nakasaksak na electric fan at lampshade kaya isa 'yan sa posibleng tinitingnan namin na dahilan ng sunog," ani FO3 Jose Cagabcab, imbestigador ng sunog.

Ligtas naman ang pamilya Avisado.

Bahagyang nasira ang ikalawang palapag ng bahay habang nagtamo ng water damage ang unang palapag.

Tinatayang P200,000 ang pinsala ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.