Babae arestado sa pambubugaw umano sa 12 anyos na anak sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2019 02:48 PM | Updated as of Oct 26 2019 07:13 PM

Watch more in iWantTFC

Arestado nitong Biyernes ang isang babaeng itinuturong nambubugaw umano sa kaniyang 12 anyos na anak sa Taytay, Rizal. 

Ikinasa ang operasyon laban sa suspek nang makatanggap ng tip ang pulisya mula sa Australian Federal Police na nahulihan ng porn materials mula Pilipinas ang isang umano'y pedophile sa Sydney. 

Napag-alaman din ng pulisya na ang ina ang mismong nagbebenta umano ng pornographic materials ng anak. 

"Noong naaresto nila ito (ang pedophile), 'yung mga seized gadgets niya nag-undergo ng forensic digital exam at doon natunton 'yung identity nitong victim," ani Police Col. Maria Shiela Portento, hepe ng Philippine National Police Women and Children Protection Center Anti-Trafficking in Persons Division. 

Narekober sa bahay ng mag-ina ang umano'y sex toys na ginagamit sa paggawa ng mga pornographic material. 

Ayon sa awtoridad, umamin ang ina sa paggawa ng krimen. 

"Ang pagkakasabi niya, alam nung bata 'yung kahirapan na pinagdaraanan nila sa buhay at parang humingi siya ng tulong dito sa anak niya, so nakumbinsi niya ito na magpa-picture," ani Portento. 

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development - Rizal ang bata. 

Patong-patong na kaso naman ang kahaharapin ng ina niya. 

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.