ALAMIN: Parusa sa di awtorisadong paggamit ng credit card ng iba

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2019 06:16 PM | Updated as of Oct 26 2019 06:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Napaulat noong Lunes na naaresto ang isang babae na gumamit umano sa credit card details ni Angelica Panganiban para sa transaksiyong aabot sa P5,000.

Sunod na tinangkang gamitin ang credit card para sa P500,000 transaksiyon sa casino pero naharang ito. 

Ayon kay Atty. Claire Castro ng programang "Usapang de Campanilla," paglabag sa Republic Act No. 8484 o "Access Device Regulations Act" ang paggamit sa credit card ng iba. 

"Iyung credit card kasi it's considered an access device eh... So ito ay isang krimen," paliwanag ni Castro. 

Alinsunod ito sa Section 9 ng batas kung saan ipinagbabawal ang paggamit ng detalye ng credit card ng isang tao. 

Hindi bababa sa 6 hanggang 10 taon ang parusa sa sino mang gagamit ng credit card ng iba nang walang pahintulot. 

Dahil sa insidente, nanawagan si Castro na lagyan ang mga credit card ng retrato ng may-ari para mas madaling matukoy ang scammers.

"Very, very easy na gumamit ng credit card [ng iba]. Alam naman natin sa ngayon na ang daming puwedeng maloko sa skimming, phishing, eh bat hindi na lang natin protektahan ang mga may-ari ng credit card?" ayon sa abogado.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.