2 suspek patay sa buy-bust sa San Pablo City

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2019 04:15 PM

Sakay ng SUV ang mga suspek na nagtangka umanong tumakas matapos banggain ang sasakyan ng mga operatiba. Kapwa napatay ang mga suspek habang narekober naman sa kanila ang may 50 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P250,000 ang halaga. Larawan mula sa Laguna Provincial Intelligence Bureau

Patay ang isa umanong big time drug pusher at isa pang suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Santa Ana, San Pablo City, Sabado ng tanghali.

Ayon sa ulat mula kay Police Col. Eleazar Matta, provincial director ng Laguna Police, bigla na lamang umano nagpaputok ang mga suspek sa mga tauhan ni Police Maj. Ryan Orapa, hepe ng Laguna Provincial Intelligence Branch.

Nakaganti naman ang mga operatiba na naging sanhi sa pagkamatay ng mga suspek na kinilalang sina Allan Saniel at Lloyd de Chavez.

Sakay ang mga suspek ng isang SUV at sinagasaan pa ang kotse ng mga pulis sa tangka umanong pagtakas.

Napag-alaman na kabilang si Saniel sa high-value target list ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa illegal drugs at nasa regional level naman ng Calabarzon Police.

Kanang-kamay umano siya ng leader ng Amante Drug Group na kayang magbenta ng dalawa hanggang tatlong kilo ng shabu sa third district ng Laguna at Quezon province.

Narekober ng mga pulis sa mga suspek ang tinatayang 50 grams ng shabu na nasa P250,000 ang halaga, at tatlong baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.