1 patay, 30 sugatan sa pagtagilid ng trak na galing sa libing sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2019 11:47 PM | Updated as of Oct 27 2019 12:24 AM

Ayon sa pulis, nawalan ng preno ang isang trak kaya pinihit ng drayber ito at binangga sa gilid ng bundok na naging sanhi ng pagtagilid nito sa bayan ng Anilao, Iloilo nitong Sabado. Kuha ni Adrian Parcon.

Tumagilid ang isang trak sa matarik na daan sa bayan ng Anilao, Iloilo na nagdulot ng pagkamatay ng isang pasahero at pagtamo ng sugat ng 30 na iba pa nitong Sabado.

Naiulat na galing sa libing at papunta sa Barangay Balabag sa Anilao ang trak nang mangyari ang insidente sa Barangay Mostro.

Ayon sa ilang residente, nagulat sila na maraming tumatakbong tao at humingi ng tulong.

"Tumalbog ang ilang pasahero at agad namang nakatayo ang may minor na sugat at agad ding dinala ng motorsiklo papunta ng ospital. Ang isang babae na nakahiga at medyo malubha ang kalagayan ay hindi muna namin ginalaw. Hinintay namin ang ambulansya ng Anilao na dumating," ayon sa isang testigo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Anilao police station, nawalan ng preno ang trak kaya pinihit ng drayber ito at binangga sa gilid ng bundok na naging sanhi ng pagtagilid nito.

Nasawi si Helen Parcon, 61, habang dinala sa ospital ang 30 iba pang nagtamo ng sugat at fracture sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Patuloy ang imbestigasyon ng Anilao police sa naging sanhi ng insidente, habang kasalukuyang nakapiit ang drayber.

—Ulat ni Hernani Escullar Jr., ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.