Sekyu, patay matapos magulungan ng trak habang nagbibisekleta

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 05:50 AM

MAYNILA - Hindi na umabot sa kaniyang kaarawan ngayong Biyernes ang isang security guard matapos magulungan ng 10-wheeler truck sa Delpan Bridge sa Tondo, Maynila Huwebes ng gabi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakasakay ng bisekleta si Darwin Erandio, 41 anyos, nang masabit ito sa trak na minamaneho ni Christian Pentinio.

Sumemplang ang biktima at bumagsak sa kalsada at saka nakaladkad ng ilang metro bago maihinto ang trak. 

Bagamat may dumating na rescue group ay hindi na ito dinala pa sa ospital dahil wala na itong pulso. Napuruhan ang biktima sa tagiliran at nagulungan din ang kaniyang paa.

Nasa kustodiya na ng pulisya si Pentinio na posibleng mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. - ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.