Pagtanggal ng FB sa ilang page, account, labag sa freedom of expression?

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 03:41 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi nilabag ng Facebook ang freedom of expression o karapatan sa malayang pagpapahayag nang tanggalin nito ang nasa higit 100 pages at accounts sa Pilipinas dahil sa paglabag sa kanilang mga polisiya, ayon sa isang abogado.

Ayon kay Atty. Noel Del Prado, ang Facebook ay isang pribadong korporasyon kung saan hindi maaaring igiit ng indibidwal ang karapatan niya sa freedom of expression.

"Kasi iyong freedom of expression at lahat ng ating konstitusyonal na karapatan ay malinaw na limitasyon sa kapangyarihan ng pamahalaan at hindi ito mailalapat o maihahambing, hindi maihahalintulad dito ang mga pribadong entity kagaya ng Facebook," sabi ni Del Prado sa programang "Usapang De Campanilla" ng DZMM.

"Ang ating karapatang magpahayag ay limitasyon sa gobyerno. Kapag gobyerno ang nagpatahimik sa atin o kumikitil ng ating karapatan sa pagpapahayag, 'yan ay maaari mong dalhin sa korte upang mabigyan ka ng legal na remedyo," paliwanag ni Del Prado.

Inalis ng Facebook noong Lunes ang ilang pahina at account, kabilang ang ilang nagpapakita ng suporta kay Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa mga paglabag sa kanilang spam at authenticity policies.

Dagdag pa ni Del Prado, may sariling mga patakaran na ipinatutupad ang Facebook para sa kanilang mga user at sinasang-ayunan ito ng mga user sa oras na gumawa sila ng account sa naturang social networking site.

"Kaya ka nagkaroon ng Facebook account dahil mayroon kayong kontrata ng Facebook," ani Del Prado. "Mayroon nakalagay dyan 'Do you agree to the terms and conditions?'"

Dahil dito, ani Del Prado, may karapatan ang Facebook na tanggalin ang isang account o pahina kapag napagpasiyahan nilang may nagawa itong paglabag.

"Ang batayan ng karapatan mo, kung may karapatan ka man ay kontrata na pinirmahan mo. Eh ayon doon sa kontrata iyong mga bawal nga ang pinagtatanggal nila," ani Del Prado.

Nauna nang sinabi ng isang abogadong eksperto sa internet at technology law na maaari naman umapela sa Facebook ang mga may-ari ng mga tinanggal na page at account sakaling sa tingin nila ay mali ang basehan ng Facebook.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.