Paghiga ng ilang bata sa gitna ng kalsada sa Pasig, ikinabahala

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 05:21 PM | Updated as of Sep 15 2019 04:12 PM

Nakuhanan ng CCTV ang ilang bata na tila naglalaro sa pamamagitan ng paghiga sa gitna ng kalsada sa Barangay Dela Paz, Pasig City. Screengrab mula sa CCTV footage na ibinahagi ni Jay Santiago


Ipinatawag ngayong Biyernes ng mga tauhan ng Barangay Dela Paz sa Pasig City ang ilang bata at kanilang mga magulang dahil sa umano ay delikadong paglalaro ng mga ito sa pamamagitan ng paghiga sa gitna ng kalsada.

Sa kuha ng CCTV ng barangay noong gabi ng Miyerkoles, mapapanood ang mga bata na humihiga sa gitna ng kalsada at umiiwas o tatakbo lang sa may bangketa kapag may paparating na sasakyan.

Watch more in iWantTFC

Muntik pang mahagip ng isang siklista ang isa sa mga bata pero nakaiwas ito, base sa kuha.

Ayon sa kagawad na si Jay Santiago, nakita ng mga tauhan ng barangay ang ginagawa ng mga bata kaya nagpadala sila ng tanod.

"Halos masagasaan na ng bike, ng sasakyan, kaya agad pinapuntahan natin," ani Santiago.

Pero hindi na naabutan ng mga tanod ang mga bata dahil nakauwi na ang mga ito, ani Santiago.

Binalaan lang ang mga bata at kanilang mga magulang pero kapag naulit, maaaring isailalim sa counseling ang mga bata at pagmultahin ang mga magulang ng P2,000, na alinsunod sa ordinansa ng lungsod, sabi ni Santiago.

Ayon naman kay Francis Almora, direktor ng law enforcement service ng Land Transportation Office, responsibilidad pa rin ng mga motorista kapag may nangyari sa mga batang naglalaro sa kalye.

"Sa ano po natin ngayon, wala po namang traffic violation 'no, but then papasok po ito sa reckless prudence... dapat 'yong driver ang mag-exercise ng kaukulang pag-iingat sa pagmamaneho," sabi ni Almora.

"So kapag nakita niya 'yong mga bata na naglalaro sa daan, expected sa kaniya, huwag naman niyang banggain iyong mga bata," dagdag ni Almora.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.