P853,000 halaga ng droga nasabat sa menor de edad sa Davao

Jasper Magoncia, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 04:59 PM

Nakuhanan ang suspek ng 15 sachet ng shabu na tinatayang may halagang P853,000. ABS-CBN News

DAVAO CITY - Nasamsam sa isang menor de edad ang P853,000 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa lungsod nitong Biyernes ng hapon.

Ayon sa pulisya, nakuhanan ang menor de edad ng 15 sachet ng ilegal na droga. 

Ang isang sachet na nagkakahalaga ng P500 ay nabili sa buy-bust operation habang 14 na iba pa ang nakuha nang hulihin na ito. 

Ang menor de edad ay tubong Lanao del Sur at ilang beses na umanong nakipag-transaksiyon sa Davao.

Aminado ang suspek na droga ang kaniyang dala pero hindi umano ito sa kaniya.

"May nag-utos lang sa akin na dalhin ito dito sa Davao at saka nakabalot 'yung laman ng bag," aniya.

Kakasuhan ang menor de edad ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 pagtungtong ng 18 anyos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.