Mag-iina patay sa sunog sa Cavite

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2018 04:57 PM | Updated as of Oct 27 2018 03:25 AM

Watch more in iWantTFC

Patay ang isang ginang at dalawang musmos na anak nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Poblacion 4, Alfonso, Cavite nitong Miyerkoles ng tanghali.

Sunog na sunog nang matagpuan ang magkakatabing bangkay ng mag-iinang sina Lovely Jassem, 20, Rylai Lexi, 5, at Raijin Lex, 1.

Ayon kay Florentina Dimillo, saglit lamang niyang iniwan ang anak at mga apo para maki-fiesta sa kabilang barangay nang makatanggap siya ng tawag na nasusunog na ang kanilang bahay.

Natagpuan ang bangkay ng mga biktima malapit sa pinto ng comfort room.

Hinala ni Dimillo, nag-CR ang kaniyang anak at paglabas ay malaki na ang apoy kaya hindi na nakalabas ng bahay lalo't nakakandado ang pinto.

Pero ayon kay SFO4 Victoriano Alcazar, officer-in-charge fire marshal ng Alfonso, posibleng nakatulog ang mag-iina habang naglalaga ng itlog na uulamin at paggising nila ay malaki na ang apoy.

Posibleng naubos na umano ang tubig sa kaldero kaya nag-apoy na.

At dahil maraming tela sa loob ng bahay na gamit ni Dimillo sa pananahi, mabilis lumaki ang apoy.

Bukod sa bahay ng mag-iina, dalawang kalapit na bahay pa ang nadamay sa sunog.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.